Monday, February 14, 2011

Dizon 2020

        Mabilis na lumipas ang maraming taon, kasabay ng mabilis na paglago ng teknolohiya. Kay laki na nga ng pinagbago ng paaralang sekundarya ng Dizon. Mas dumami na ang mga silid-aralan kaya ang bawat pangkat ay mayroon ng kanya-kanyang silid. Ang lahat ng pangkat ng bawat antas ay mayroon ng asignaturang kompyuter. Nagkaroon na ng guwardiya ang paaralan na nagbabantay upang hindi na makapasok ang mga taga-labas na walang ginawa kundi manggulo sa loob ng paaralan. May sarili ng xerox machine ang paaralan. Maraming iba’t-ibang samahan ang naitatag upang hasain ang mga kakayahan ng mga estudyante. Ang silid-aklatan ay punung-puno ng mga aklat, diksyunaryo, encyclopedia, almanac at dyaryo ng niba’t-ibang pahayagan na maaaring gamitin sa pananaliksik. Ang lahat ng estudyante ay mayroon ng mga aklat di tulad ng dati iilan lamang ang nabibigyan ng aklat dahil sa kakulangan kaya ang iba’y nanghihiram na lamang. Mayroon na ring inilaang pook kung saan isinasagawa ang mahahalagang pangyayari tulad ng pagpaparangal sa mga nanalo sa mga paligsahan sa iba’t-ibang asignatura. Tuwing tanghali maraming makikitang estudyante sa loob ng silid-aklatan na ginagawang libangan ang pagbabasa. Mas lalong naging aktibo ang mga guro na isulong ang pagtatanim ng puno at pangangalaga sa kapaligiran.

       Malaki ang naitutulong ng paaralang Dizon sa paghubog ng mga kakayahan ng bawat estudyante. Nabibigyan sila ng pagkakataong linangin ang kakayahan sa pananalita sa pamamagitan ng pagsali sa mga paligsahan sa pagtula at pagtatalumpati. Ang bawat isa ay hinihikayat ng mga guro na pagyamanin at ilabas ang kanilang mga natatagong talento. Ang pagiging istrikta ng mga guro ay malaking tulong upang maging masipag ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral. Dahil sa pagtutulungan ng mga guro at estudyante lagging nagkakamit ang Dizon ng karangalan sa tuwing lumalaban ng paligsahan sa labas ng paaralan. Pinagibayo rin ang pakikilahok sa iba’t-ibang larangan ng isports. Kasabay nito ang pagsusulong ng pangangalaga sa kalusugan ng bawat mag-aaral.

       May iba’t-ibang hilig ang mga tao. May mga taong paborito ang math, ang iba naman ayaw na ayaw. Pangkaraniwan ng makikita at maririnig iyon sa paaralan. Lalo na iyong mga x at y hindi naman daw iyon magagamit sa pagbili, sabi ng mga ayaw sa math siyempre ipagtatanggol naman iyon ng mga paborito ang math, kung minsan nga nagkakaroon pa ng pagtatalo dahil lang doon. Ang pananaw ko naman lahat ng kaalaman na itinuturo ng paaralan ay magagamit natin sa hinaharap kaya tanggapin na lang natin.

       Kay laki na ginagampanan ng mga paaralan sa ating lipunan. Sila ang humuhubog ng mga kabataan na susunod na mamumuno sa pamahalaan. Marami ang naging propesyunal mula sa paaralang Dizon. Makikita sa kanila ang mga kagandahang asal at karunungang itinuro ng paaralan. May mga naging guro na muling nagbabalik sa paaralang Dizon upang ibahagi ang kanilang kaalaman sa bagong henerasyon. Isa na roon sin Ms. Amora, natatandaan ko pa noong nasa sekundarya pa lang kami ay pangarap na niya ang maging isang guro. Isa siya sa mga kaklase ko sa section, tatlumpu’t tatlo kami noong III-Science kami. Natutuwa ako para sa kanya dahil natupad na niya ang kanyang ambisyon. Ang iba sa amin ay naging negosyante, architect, accountant, chef, broadcaster, lawyer, at inhinyero na tulad ko. Sa batang edad, lahat sila ay matagumpay na sa pinili nilang karera. Ako naman patuloy na nagsisikap para makilala sa pinili kong propesyon. Simple lang naman ang pangarap ko ang makatulong sa aking pamilya at mapatapos ang aking kapatid sa pag-aaral. Sa ngayon natupad ko na iyon. Madalas din kaming magkitang magkakaibigan, nagbabalitaan at nagkukwentuhan kapag may libreng oras.

      Paminsan-minsa’y pumupunta ako sa Dizon. Pinagmamasdan ko ang oval at sa tuwing ginagawa ko iyon. Naaalala ko ang masasayang pangyayari sa nakaraan. Kapag vacant pumupunta kami sa oval, nagkukwentuhan, paminsan-minsa’y naglalaro, nagrerelax din pagbalik kasi sa room, subsob na naman sa pag-aaral, gagawa ng takdang-aralin para hindi na gumawa sa bahay. Maghahanda para sa mga quiz at test upang makakuha ng mataas na marka nakakatakot bumagsak dahil siguradong matatanggal sa section kapag nagkaroon ng line of seven sa card o kaya naman ay below 85 sa average ng major subjects. Magkakasundo naman kaming lahat na magkakaklase lalo na noong nasa ikatlong antas kami. Sa tagal na nga ba naman ng tatlong taon naming magkakasama, dapat lang na magkakaclose na kami. Masaya rin naman kahit medyo mahirap kasi mas maraming units kaysa sa regular section. Ilan lang iyan sa mga pangyayaring natatandaan ko.

      Iisa lang naman ang layunin ng mga paaralan ang makapagbigay ng magandang edukasyon sa mga kabataan. Nagsisilbing silang training ground kung saan hinahasa ang mga kakayahan ng isang personalidad. Nagtuturo rin sila ng mga kabutihang asal, nag-aalis ng kamangmangan at nagdidisiplina sa mga mag-aaral. Sa paaralan nakakakuha tayo ng kaalaman. Kaalamang gagabay sa atin upang makilala ang tama at mali, at isang bagay na hindi mananakaw ninuman. Sila rin ang nagmumulat sa atin ng tunay na kahulugan ng buhay. Ang bawat pangyayari sa paaralan ay nakapagpapatatag sa isang tao. Ang isang edukadong tao ay may lakas ng loob na tumayo at magsalita sa harap ng karamihan sapagkat alam niya ang kanyang ginagawa. Ang kanyang pagsasalita ay maingat at pinipili niyang mabuti ang tamang salitang kanyang bibigkasin. Ialan lamang iyan sa mga kabutihang naidudulot ng edukasyon na ibinibigay ng paaralan.

        Sa mga mag-aaral dapat nating pasalamatan ang ating paaralan na patuloy na nagbibigay ng dekalidad na edukasyon. Isabuhay ang mga natutunan at magsikap para sa ating bayan. Tanawin nating malaking utang na loob ang pag-aaruga niya sa loob ng apat na taon. Isang karangalan para sa kanya kung tayo ay magiging mabuting mamamayan sa hinaharap.

No comments:

Post a Comment